BREAKING: BONG REVILLA, NAG-BAIL SA SANDIGANBAYAN—PERO DIRETSO PA RIN SA KULUNGAN

Nag-post ng ₱90,000 bail si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Martes, January 20, sa Sandiganbayan Fourth Division, isang araw matapos siyang sumuko sa Camp Crame kasunod ng paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Pero kahit nakapag-bail, hindi pa rin agad nakalaya si Revilla. Marami ang nagtaka kung bakit, at ang sagot: dalawang kaso ang kinakaharap niya na kapwa konektado sa flood control projects.

Ang una ay graft charge na bailable, kaya siya pinayagang mag-post ng piyansa. Ngunit ang ikalawa ay mas mabigat, malversation of public funds through falsification of public documents, na non-bailable, kaugnay ng diumano’y pandarambong ng mahigit ₱90 milyon sa tinaguriang “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.

Dahil dito, kahit nagbayad ng bail sa isang kaso, makukulong pa rin ang dating “Hari ng Panday” ng pelikulang Pilipino habang dinidinig ang non-bailable case.

Latest update: inilipat na si Revilla kasama ang apat na kapwa-akusado sa Quezon City Jail.

Sa isang video na ipinasok online, sinabi ni Revilla na pakiramdam niya ay wala raw due process sa kanyang kaso, pero iginiit na haharapin niya ito at naniniwalang “hindi ako pababayaan ng Diyos.”

Samantala, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nalungkot si PBBM sa balitang pagkaaresto kay Revilla, na dating nakasama ng pangulo sa alyansang Bagong Pilipinas Party.

Leave a comment