
Nagsanib-puwersa ang dating magkaalyado at naging magkaaway na DDS at mga leftist groups sa panibagong hakbang laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos maghain ng ikalawa at ikatlong impeachment complaints sa Kamara nitong Huwebes, Jan. 22.
Naunang kumilos ang makakaliwang grupo ng ACT Teachers party-list sa pangunguna ni Rep. Antonio Tinio, na personal na nag-iwan ng kopya ng reklamo sa Office of the House Secretary General. Ayon kay Tinio, wala umano roon si Secretary General Cheloy Garafil para pormal na tumanggap ng dokumento.
Makalipas ang ilang oras, sumunod namang nag-file ang mga personalidad na iniuugnay sa DDS, kabilang ang election loser na si Mike Defensor at si Ilocos Sur political figure na si Chavit “Mang Kanor” Singson.
Hindi pa natatapos doon ang eksena. Sinundan pa ito ng drama-rama sa hapon ni Defensor, isang dating political operator ng administrasyong Arroyo, na ngayon ay muling bumabandera sa media. Sa mga political observer, malinaw ang galaw: positioning para sa posibleng senatorial run sa ilalim ng tiket ng mga DDS sa susunod na eleksyon.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon ang Malacañang sa sunod-sunod na impeachment filings, habang patuloy na binabantayan ng Kamara kung papasok ba sa pormal na proseso ang mga reklamo o mauuwi lang sa panibagong political spectacle.