
Ready nang i-unblock ng DICT ang AI platform na Grok sa Pilipinas, matapos pangako ng companyang xAI na aayusin ang mga features na pwedeng magamit sa illegal na content.
Sa press briefing sa DICT HQ sa Quezon City nitong Miyerkules, sinabi ni Secretary Henry Aguda na nakipag-ugnayan ang xAI sa Pilipinas at nangakong tututukan ang mga isyu, lalo na ang kakayahan ng app na gumawa ng pornographic content, kabilang na ang minors.
“Ang pangako namin kay xAI, kapag naprotektahan niyo ang Pilipinas, ia-unblock naming yan, and you can use us as reference in other countries,” sabi ni Aguda.
Dagdag pa ni CICC Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, babaguhin ng xAI ang Grok para sa Philippine market, lalo na ang pagtanggal ng image/content manipulation features. Pero kahit ma-lift ang ban, magmamanman pa rin ang CICC para siguraduhing sumusunod ang app sa batas ng bansa.
“The Grok AI app has stated it will no longer use any content manipulation. We will still monitor to ensure compliance with our laws and regulations,” ani Paraiso.
Na-ban ang Grok sa Pilipinas noong nakaraang Biyernes dahil sa reports na kaya nitong gumawa ng nonconsensual deepfakes. Blocked na rin ang platform sa Indonesia at Malaysia, habang iniimbestigahan din ito ng EU, UK, at ilang ibang bansa.