LEANDRO LEVISTE VS MVP & DOE: P24B Penalty Ipinasa sa MGEN-MERALCO!

Uminit ang usapan sa energy sector at social media matapos umano’y ituro ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang MGEN–Meralco group ni billionaire Manny V. Pangilinan bilang dapat managot sa P24-billion penalty ng Department of Energy (DOE) kaugnay ng delays at violations sa solar power contracts.

Sa press conference niya dalawang araw ang nakalipas, ginisa ng media si Leviste matapos niyang igiit na hindi siya o ang Solar Philippines ang liable sa multibilyong pisong parusa. Ayon sa kongresista, ang SP New Energy Corp. (SPNEC), na binili ng MGEN-Meralco, umano ang dapat magbayad ng penalty na may direktang epekto sa consumers.

Pero habang tumatagal ang tanungan, lalong nagulo ang paliwanag ni Leviste. Paulit-ulit ang mga tanong ng reporters, at halatang nahihirapan siyang ipaliwanag kung bakit sa Meralco group niya itinuturo ang pananagutan. May mga pagkakataon pa na sinubukan niyang patahimikin ang ilang female reporters na nagtatanong tungkol sa tinaguriang solar scandal ng kanyang kumpanya.

Nang tanungin kung posibleng nagkamali ang DOE sa mga ipinadalang liham, sinabi lamang ni Leviste na nirerespeto niya ang gobyerno. Ngunit sa ibang bahagi ng press conference, sinisi rin niya ang ahensya, sabay sabing halos araw-araw daw ay may bagong posisyon ang DOE, pahayag na lalo pang nagpalabo sa kanyang depensa.

Sa panig naman ng kampo ni Pangilinan, mariing itinanggi ng MGEN–Meralco na ang SPNEC na binili nila ng mahigit P30 billion ang responsable sa P24-billion penalty. Giit ng grupo, malinaw ang saklaw ng kanilang acquisition at hindi nila dapat saluhin ang mga obligasyong nagmula sa Solar Philippines ni Leviste.

Mas pinatibay pa ito ng DOE. Ilang ulit nang sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang Solar Philippines ng kampo ni Leviste, at hindi ang MGEN–Meralco, ang may pananagutan sa penalties bunsod ng contract delays at project violations.

Sa halip na humupa, lalo pang umiinit ang isyu, at ngayon ay nagiging leksiyon umano ito sa malalaking negosyo na nakikipag-deal sa mga politically connected na negosyante. Sa mata ng publiko, malinaw ang tanong: kung ikaw ang kumita sa proyekto, bakit sa iba ipapasa ang multibilyong pisong penalty?

Sa ngayon, ang P24-billion question remains — sino talaga ang mananagot, at hanggang saan aabot ang political at corporate fallout ng solar controversy na ito?

Leave a comment