
Nauwi sa media spectacle ang paglusob ng isang grupo ng DDS sa House of Representatives para maghain ng ikatlong impeachment complaint laban kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos lumutang na wala pala silang kahit isang kongresistang sponsor para pormal na i-file ang reklamo.
Kasama sa grupo sina DDS lawyer Ferdinand Topacio at political operator Mike Defensor, na nagpa-press conference pa sa halip na makapasok sa opisyal na proseso ng Kamara. Ngunit ayon sa mga mambabatas, hindi uubra ang kahit anong impeachment complaint kung walang House member na mag-eendorso nito.
Nilinaw ito ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na nagsabing puro complainants lang ang nakita sa ikatlong reklamo ng DDS.
“Yong ikatlong impeachment complaint, parang hindi ho natin alam kung may endorser sila. Parang meron lang ho tayong nakita noong nakaraan ay ’yong grupo ng complainants. Wala po tayong nakitang lumitaw o napangalanan man lang po na House member na endorser. Sa totoo lang, kahit ho magpakita sila ng sampu o bente, eh kung wala po silang mapakitang kongresista noong araw po na ’yon, hindi rin ho talaga tatanggapin ’yon,” ani Ridon.
Habang may sponsor ang naunang impeachment complaints mula sa mga leftist bloc sa Kamara, kabilang ang ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, bagsak agad ang DDS move dahil wala itong dumaan na endorso mula sa kahit sinong mambabatas.
Sa halip na formal filing, nauwi ang hakbang ng DDS sa presscon at political theater, na ayon sa mga netizens ay mas mukhang publicity stunt kaysa seryosong impeachment drive laban kay Pangulong Marcos.