
Gumagalaw na ang National Bureau of Investigation laban sa social media personality at kilalang DDS fake news peddler na si Jack Argota kaugnay ng umano’y pagpapakalat niya ng pekeng medical bulletin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa NBI nitong mga nakaraang araw.
Kasunod ng mga ulat, makikitang nagpa-panic at naglabas ng sunod-sunod na tirada si Argota sa Facebook, kabilang ang pag-atake niya sa mga Kakampink at ang pagbanggit sa diumano’y “de facto martial law” na sinabi ni Landro Leviste.
Sa panayam ng Bilyonaryo News Channel, kinumpirma ni NBI Acting Director Lito Magno na iniimbestigahan na ng ahensiya ang mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng naturang umano’y fake medical record ng Pangulo.
“Iniimbestigahan natin ‘yan dahil sa NBI, isa sa ating mandato ay bantayan ang seguridad ng ating Pangulo, Vice President, and all the other top officials. Lumalabas ito na national concern, national security na rin ito,” ani Magno.
Dagdag niya, may karapatan ang publiko na malaman ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo, pero hindi ito lisensiya para magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
“Tama na may karapatan ang taong malaman ang public health ng Pangulo, pero hindi ‘yan nagbibigay pahintulot na kung ano-ano na lang ang ilalabas at magkalat ng fake news,” ani Magno.
Dahil dito, inaasahang posibleng isyuhan ng subpoena si Argota habang pinalalawak ng NBI ang imbestigasyon.
Samantala, sinabi ng abogadong si Atty. Jesus Falcis na malinaw umano ang posibleng pananagutan ni Argota.
“Dalawa ang malinaw na kasalanan ni Jack Argota. One, he posted a fake medical record of PBBM. And even if he can prove it was true, it would still violate relevant medical and data privacy laws,” ani Falcis.
“Two, he said may ‘kanser’ si BBM, which is fake news and wala rin naman sa fake medical record allegedly from St. Luke’s na in-upload niya,” dagdag pa niya.
Ayon kay Falcis, maaaring silipin ng NBI ang iba’t ibang anggulo gaya ng cyberlibel, false news sa ilalim ng Revised Penal Code, at paglabag sa Data Privacy Act.
“Kahit dinelete ni Jack Argota ang post, preserved o kayang i-retrieve ng NBI ang ebidensiya,” ani Falcis.
Nakarating naman ang isyu kay Argota, na agad na naglabas ng mga galit na post laban kay Falcis at iginiit na hindi niya umano dinelete ang nasabing medical bulletin.
Sinabi ni Argota na si Meta raw mismo ang nagtanggal ng kanyang post dahil sa umano’y privacy violations at hindi dahil sa kanya. Iginiit din niyang nakita raw niya ang dokumento online at pina-enhance pa umano gamit ang AI.
Bukod dito, iginiit pa ni Argota na biro lamang ang kanyang pahayag na may “kanser” ang Pangulo, bagay na umani ng batikos online.
Sa isa pang post, hinamon ni Argota ang sinumang ilabas ang opisyal na medical record ng Pangulo.
“Karapatan ng mga Pilipino malaman ang sakit at lagay ng Pangulo,” ani Argota.