BREAKING: Police Mom at 8-Taong-Gulang na Anak, Pinaslang — 3 Suspek Arestado, Ex-Cop, Dealer at Driver Nadawit

Nalutas na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang brutal na pagpatay sa isang policewoman at sa kanyang walong taong gulang na anak matapos maaresto ang tatlong pangunahing suspek sa kaso, ayon sa pulisya nitong Sabado.

Kinilala ang mga inaresto bilang car dealer na si Pia Katrina Panganiban, 29, ang kanyang asawa na si Christian Suarez Panganiban, 44, isang dating pulis na sinibak sa serbisyo, at ang kanilang driver na si Gil Valdemoro Dy, 41. Dinakip sila ng Quezon City Police District (QCPD) noong Biyernes ng gabi matapos ang serye ng follow-up operations at forensic tracking.

Pero may pahayag si Pia, na inaanak ng biktima sa kasal, matapos siyang maaresto na ang estranged husband ng biktima na si Police MSgt. John Mollenido ang pumatay sa mag-ina.

Ang mga biktima ay sina Police Senior Master Sergeant Diana Marie Mollenido at ang kanyang anak na si John Ysmael. Ayon sa imbestigasyon, nagtungo ang mag-ina noong Enero 16 sa bahay ng mag-asawang Panganiban sa Novaliches upang ayusin ang bentahan ng Toyota Innova na nais ibenta ng policewoman kapalit ng Mitsubishi Montero na kukunin niya mula kay Pia.

Nakabayad na umano si Mollenido ng ₱550,000 down payment bago pa ang transaksyon.

Tatlong araw matapos ang pagpunta ng mag-ina, ini-report ng hiwalay na asawa ng biktima na si John Mollenido ang pagkawala ng mag-ina sa Taguig City Police. Lumabas sa imbestigasyon na ang Innova ng biktima ay naibenta sa isang buy-and-sell agent sa halagang ₱450,000.

Noong Enero 24, natagpuan ang bangkay ni PSMSgt. Mollenido sa Pulilan Bypass Road, Bulacan, may tama ng bala sa ulo at nakabalot sa itim na garbage bag. Ang pagkakatuklas dito ang nagtulak sa NCRPO na bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) kasama ang QCPD, Taguig CPS, at PRO3.

Pagkalipas ng ilang araw, natagpuan naman ang bangkay ng 8-anyos na si John Ysmael sa isang taniman ng kalamansi sa Victoria, Tarlac. Ayon sa pulisya, namatay ang bata sa pamamagitan ng pagsakal at mahigpit na binalot sa plastic bago itinapon sa isang liblib na lugar.

Dito mas pinaigting ang imbestigasyon hanggang sa matukoy si Dy bilang isa sa pangunahing suspek. Sa testimonya at ebidensiya, isinunod na ring arestuhin ang mag-asawang Panganiban.

Narekober ng QCPD ang mga cellphone ng mga suspek at ng mga biktima para sa forensic examination. Nakuha rin sa Angeles City, Pampanga ang isang silver Toyota Fortuner na umano’y ginamit sa paglipat at pagtatapon ng mga bangkay. Kinuhaan ito ng fingerprints at DNA samples para sa comparison.

Batay sa source ng imbestigasyon, ang dating pulis na si Christian Panganiban umano ang bumaril kay Mollenido, habang tinulungan siya ng driver sa pagbiyahe ng bangkay papuntang Bulacan. Kalaunan, pinatay naman ang bata at itinapon sa Tarlac upang burahin ang mga saksi.

Nagbigay rin umano ng extrajudicial confession ang driver na umaamin sa kanyang partisipasyon sa krimen.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., personal na inutusan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.ang pulisya na gawing prayoridad ang kaso at panatilihin ang pinakamataas na antas ng pananagutan sa hanay ng kapulisan.

“Hindi namin hahayaang manatiling hindi napaparusahan ang krimen laban sa mamamayan, lalo na sa kapwa lingkod-bayan,” pahayag ni Nartatez.

May tatlong anak ang mag-asawang Mollenido, at si John Ysmael ang ikalawa. Natagpuan ang bangkay ng bata ilang araw matapos madiskubre ang naaagnas nang katawan ng kanyang ina — isang kaso na yumanig hindi lang sa QC kundi sa buong rehiyon.

Sa ngayon, patuloy pang hinahanap ng pulisya ang baril na ginamit sa pamamaril at inaasahang isasampa ang mga kasong double murder, kidnapping, carnapping, at robbery laban sa mga suspek.

Leave a comment