
Nalutas na ng mga awtoridad ang kaso ng police mom na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at ng kanyang 8-year-old son na si John Ysmael, matapos matukoy na nag-ugat ang krimen sa isang car scam involving a non-existent vehicle, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes.
Ayon sa imbestigasyon, bibili sana si Mollenido ng sasakyang nagkakahalaga ng ₱1.1 milyon sa pamamagitan ng car agent na si Pia Katrina Panganiban at nakapagbigay na umano ng ₱550,000 down payment. Para makumpleto ang bayad, humingi pa raw ng tulong ang biktima para maibenta ang isa niyang sasakyan.
Pero ayon sa pulisya, walang totoong sasakyan na darating.
“Pag nabenta ang ₱450,000, ibibigay kay Pia para makumpleto ang Montero. Eh wala namang order talaga,” sabi ni QCPD Director Col. Randy Glenn Silvio.
Lumabas sa imbestigasyon na plano na umano ang krimen.
“May mga garbage bag na silang binili at kinoberan na ang sofa. Ibig sabihin, pinaghandaan na,” dagdag ni Silvio.
Sa bahay mismo ng mga suspek nangyari ang insidente.
“Sa bahay ni Panganiban ay binaril si Diane. Ang anak niyang si John Ysmael ay binalutan ng plastic sa ulo at namatay sa pananakal,” ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.
Matapos nito, isinakay umano ng mag-asawang suspek na sina Pia Panganiban at Christian Panganiban, isang dismissed police officer noong 2014, ang mga katawan sa kanilang sasakyan habang kasama pa ang sarili nilang mga anak.
“Hindi ko maintindihan kung paano mo maisasama ang mga anak mo habang ginagawa ang krimen,” ani Remulla.
Sa halip na dumiretso sa bakasyon sa Baguio, sinabi ng DILG na nag-ikot muna ang mga suspek: itinapon ang mga labi sa Bulacan at Tarlac, natulog sa motel sa Fairview, dumaan sa Pansol, Laguna, bago bumalik sa bahay.
“May psychopathic criminal tendencies. Walang konsensya,” dagdag pa ni Remulla.
Natagpuan ang bangkay ni Diane noong Jan. 24 sa Pulilan, Bulacan na may tama ng bala sa ulo. Ang katawan naman ng kanyang anak ay nadiskubre noong Jan. 29 sa Victoria, Tarlac, na may senyales ng torture.
Bukod sa mag-asawang Panganiban, iniimbestigahan din ang kapatid ni Christian at isa pang indibidwal na nasa crime scene.
Samantala, nananatiling person of interest ang estranged husband ng biktima na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido matapos umano niyang ipacremate agad ang bangkay ng asawa nang walang autopsy.
“Hindi umiiyak, walang remorse. Asawa’t anak ang nawala,” ayon kay Remulla.
Tinawag ng DILG ang kaso bilang “slam dunk.”
“This is a slam dunk case,” sabi ni Remulla matapos maaresto ang apat na kaugnay sa krimen.
Sa panig ng depensa, itinanggi ni Pia Panganiban ang paratang.
“Hindi po namin ginawa ’yon. Sine-setup lang po kami,” aniya habang nakakulong sa Camp Karingal.
Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong lawak ng pananagutan ng bawat sangkot sa kaso.