
Isang simpleng linya ang biglang nagpagulo sa Senado nitong Miyerkoles, at posibleng nagsilbing signal ng mas malalim na galawan sa loob ng Mataas na Kapulungan.
“Madam President.”
Iyan ang tawag ni Sen. Miguel “Migz” Zubiri kay Sen. Loren Legarda nang panandaliang ipagpatuloy ang sesyon ng Senado nitong Pebrero 4, isang remark na agad nagpaalab sa espekulasyon ng isang posibleng Senate coup laban sa kasalukuyang liderato.
Bagama’t mabilis ding in-adjourn ang sesyon at itinakdang ituloy sa Pebrero 9, ang paggamit ng titulong “Madam President” kay Legarda ay hindi nakalusot sa mga beteranong Senate watchers. Sa tradisyon ng Senado, hindi basta-basta binibitawan ang ganoong address kung walang pinanggagalingang political context.
Sa mga nakalipas na araw, umiingay na ang ugong-ugong tungkol sa isang DDS bloc move para muling balasahin ang Senate leadership at committee chairmanships. At sa politika nga, “never let a crisis go to waste.”
Ang simpleng tawag ni Zubiri ay agad binasa ng marami bilang soft launch ng isang power play — kung saan sinusukat kung may suporta si Legarda bilang alternatibong lider.
Pero sa kanyang ambush interview sa mga reporters, kaagad sinabi ni Zubiri na, “Maybe the future president of the senate.”
Ngunit sa loob ng Senado, malinaw ang mensahe: may nagte-test ng waters.
Ang tanong ngayon, slip of the tongue lang ba ang “Madam President,” o isa itong maingat na signal ng isang planadong galaw para pabagsakin ang kasalukuyang Senate leadership?
Sa ngayon, habang naka-adjourn ang sesyon, mas umiinit ang backstage politics sa Mataas na Kapulungan, at lahat ng mata ay nakatutok kung ang isang salita ay mauuwi sa isang full-blown Senate shakeup.