
Bago pa man ang anumang pormal na debate, umiinit na ang palitan nina retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at DDS and allegedly pro-China Sen. Rodante Marcoleta, at sa unang salpukan pa lang, kapansin-pansin na ang disparity sa legal grounding.
Nagsimula ang lahat nang bantaan ni Marcoleta si Carpio ng kasong treason kaugnay ng 2011 Supreme Court ruling sa Magallona vs. Ermita, na kumuwestiyon sa constitutionality ng Republic Act 9522, ang batas na nag-amyenda sa ating archipelagic baselines upang umayon sa UNCLOS.
Ngayon, binabawi na naman ni Marcoleta ang kanyang banta sabay sabing: “Actually ang gusto kong sabihin, I pronounce you guilty of treason already. Hindi na kita kaylangang idemanda pa.”
Pero ayon kay Carpio, kung treason ang isyu, hindi siya ang dapat tutukan.
Sa kanyang sagot, sinabi niyang kailangang kumbinsihin muna ni Marcoleta ang Korte Suprema na ang mga senador at kongresistang nagpasa ng RA 9522, ang pangulong pumirma rito bilang batas, at ang mga mahistradong naglabas ng unanimous decision na nagpatibay sa constitutionality nito, ay pawang nagkasala ng pagtataksil sa bayan.
Dito pa lang, malinaw na ang punto: ang desisyong tinutuligsa ni Marcoleta ay hindi personal na opinyon ni Carpio kundi isang unanimous ruling ng buong Supreme Court, na ngayon ay bahagi na ng “law of the land.”
Pattern ng Political Narrative?
Para sa mga political observers, may pagkakahawig ang retorika.
Noong nakaraang administrasyon, inakusahan si dating Sen. Antonio Trillanes na “ipinagbili ang West Philippine Sea,” isang claim na malawak na kinuwestiyon at itinuring ng marami bilang propaganda.
Ngayon, kahalintulad na linya ang lumalabas: ang paratang na “ipinamigay ang teritoryo.” Ngunit ang legal record ay malinaw, ang RA 9522 ay inakma upang tumugma sa international law, at ito’y pinagtibay ng Korte Suprema nang walang dissent.
Legal vs. Political Arena
Sa halip na simpleng bangayan, ang isyu ay umiikot sa isang mahalagang tanong:
May sapat bang legal basis ang paratang ng treason?
Sa ilalim ng batas, ang treason ay may malinaw at mabigat na elemento. Hindi ito basta-bastang ibinabato dahil lamang sa hindi pagsang-ayon sa isang judicial ruling. Lalo na kung ang ruling ay kolektibong desisyon ng pinakamataas na hukuman.
Sa ngayon, ang diskurso ay tila nahahati sa dalawang larangan: ang legal na realidad at ang political narrative. At habang tumitindi ang palitan, isang bagay ang malinaw: sa usapin ng constitutional interpretation at Supreme Court jurisprudence, hindi sapat ang retorika. Kailangan ang matibay na batayan sa batas.
Sa pre-debate showdown pa lang, lumilitaw na ang tunay na laban ay hindi lamang sa entablado, kundi sa mismong pag-unawa sa kung paano gumagana ang batas at ang Korte Suprema.