Bilyones ang Puhunan, ICC ang Entablado: Legal Defense ba Ito o Political Strategy?

Habang umuusad ang confirmation of charges sa ICC, lalong luminaw ang direksyon ng kampo ni Rodrigo Duterte.

Obvious na obvious na ang legal strategy ni Nicholas Kaufman, ang paldong-paldo nang British-Israeli lawyer ng dating pangulo, ay hindi lang basta depensa. Mukhang handa silang itulak ito sa full-blown trial at sabay na i-drag ang Marcos administration at maging ang ICC mismo sa sentro ng isyu.

Ang ibig sabihin nito, malinaw ang commitment. Handa ang pamilya Duterte na gumastos ng bilyones sa loob ng lima o higit pang taon para sa isang mahabang laban sa The Hague.

At ayon mismo kay Kaufman, satisfied daw si Duterte sa kanyang mga argumento sa unang araw ng confirmation of charges kahit hindi ito personal na dumalo sa hearing. Iyan pa lang ay indikasyon na buo ang loob nilang harapin ang mahabang proseso.

Ang tanong ng marami, bakit si PBBM ang naging pangunahing target sa mga argumento ni Kaufman?

Sa unang araw ng hearing at maging sa sumunod na pagdinig, paulit-ulit na naisantabi ang direktang legal issues at tila mas nabigyang-diin ang papel ng kasalukuyang administrasyon. Pati si Palace Press Officer Usec. Claire Castro ay napa-react at nagtanong kung bakit si Pangulong Marcos ang sentro ng diskurso sa ICC.

Dito pumapasok ang mas malalim na political reading. Kung ang layunin ay maghasik ng duda laban sa kasalukuyang gobyerno at kuwestiyunin ang integridad ng proseso, hindi lang ito simpleng legal maneuver. Maaari itong bahagi ng mas malawak na narrative strategy.

Hindi rin maikakaila ang galaw ng mga DDS at ng mga kilalang fake news peddlers.

Bago pa man ang hearing, may mga lumutang nang destabilization narratives. Target nila hindi lang ang administrasyon kundi pati ang ICC.

Inakusahan pa nila ng corruption at bribery ang mga ICC investigators na pumunta sa bansa para mag-imbestiga. Ang ganitong linya ay maaaring magamit sa korte bilang batayan para kuwestiyunin ang fairness ng proseso.

Ayon kay dating senador Antonio Trillanes, posible raw na gamitin ang mga alegasyong ito bilang basehan sa pagpetisyon ng mistrial sa ICC.

Kung totoo ito, malinaw na ang laban ay hindi lamang tungkol sa depensa kundi pati sa pag-atake sa kredibilidad ng institusyon.

Samantala, tanggap na ng pamilya Duterte ang posibilidad na sa The Hague na magtatapos ang huling yugto ng buhay ng dating pangulo. Kung ganoon, ang tanong ay hindi na lamang kung mananalo ba sila sa korte, kundi kung ano ang mas malawak na layunin ng kanilang estratehiya.

Sa huli, ang ICC case ay hindi na lang simpleng usaping legal. Ito ay nagiging entablado ng mas malaking political chess game na may implikasyon hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon kundi pati sa hinaharap ng pambansang pulitika. Ang tunay na laban ay maaaring hindi lang sa korte kundi sa opinyon ng publiko.

Leave a comment