
Ibinasura ng Commission on Elections ang election offense case laban kay Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng hindi niya pagdeklara ng humigit-kumulang P75 million na campaign contributions sa kanyang 2025 Statement of Contributions and Expenditures, matapos igiit na hindi na ito sakop ng batas dahil sa isang na-repeal na probisyon ng Omnibus Election Code.
Sa resolusyon ng En Banc, sinabi ng Comelec na kahit hindi dineklara ni Marcoleta ang detalye ng kanyang mga contributor, hindi na ito maituturing na election offense sa ilalim ng kasalukuyang batas. Inaprubahan ng komisyon ang rekomendasyon ng Political Finance and Affairs Department na tuluyan nang i-terminate ang kaso laban sa senador.
Sa halip, magsasampa ng reklamo ang Comelec laban sa tatlong sinasabing contributors, na sina Michael Defensor, Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray, dahil umano sa hindi pagsusumite ng kani-kanilang report sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.
Dumating ang desisyon matapos ang ilang buwang pagkaantala, na agad umani ng batikos mula sa ilang mambabatas at netizens. Si Sen. Panfilo Lacson ay nauna nang nagtanong kung bakit inabot ng ganito katagal bago maresolba ang kaso, at kung may dahilan ba sa likod ng tila pag-drag ng proseso.
Sa social media, marami rin ang nagtatanong kung bakit pinatagal ang usapin kung hahantong din naman sa dismissal.
Bagama’t iginiit ng Comelec na nakabatay sa legal na teknikalidad ang kanilang desisyon, hindi napigilan ang mga kritiko na kuwestyunin ang tila hindi pantay na resulta — nalinis ang isang kandidato na may malaking halagang hindi naideklara, habang ang pananagutan ay napunta sa mga donors dahil sa kakulangan sa dokumento.
Lumakas din ang mga espekulasyon online tungkol sa posibleng impluwensya ng isang makapangyarihang non-government group sa naging desisyon, bagama’t wala namang inilalatag na ebidensya ang mga alegasyong ito.
Samantala, ang isyu ng mismatch sa pagitan ng SOCE at SALN ni Marcoleta ay inaasahang haharapin sa hiwalay na proseso sa Ombudsman.